For General Public

Suporta sa Teknolohiyang Pinoy layong palawigin ng INVENTouring

mga finalists ng RICE MIMAROPA sa ginanap na INVENTouring

Ang mga imbensyon o teknolohiya ay nangangailangan ng suporta at pagkilala upang tuluyang mailunsad at maisakatuparan. Ito ay maaaring sa pamamagitan ng tulong pinansyal o teknikal na magpapahusay sa isang likha.

At upang mas mailapit ang iba’t ibang serbisyong handog ng pamahalaan sa mga imbentor ng bayan at mga likhang-pinoy mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan, handog ng Technology Application and Promotion Institute (DOST-TAPI) ng Kagawaran ng Agham at Teknolohiya, sa pangunguna ng Applied Communications Unit for Inventors (ACU-i) ang INVENTouring.

Ang INVENTouring ay isang “information drive” na naglalayong itaguyod at ipakilala ang mga programang laan ng ahensiya para sa mga imbentor, mananaliksik at siyentista. Ito ay isinasagawa sa pamamagitan ng pagdaraos ng isang “focused group orientation and dialogue” upang masagot ang katanungan ng mga kliyente at mas tumaas ang potensyal na maaprubahan ang isang aplikasyon.

Ang INVENTouring ay ipinapatupad sa ilalim ng national campaign na i-INVENT PH na layong linangin at pataasin ang kaalaman at interes ng mga Pilipino sa larangan ng agham at teknolohiya. Ito rin ay layong maging tulay upang ilapit sa mga imbentor ang iba’t ibang mga oportunidad na maaari nilang makuha upang higit na mapayabong ang kanilang ideya, imbensyon, o teknolohiya.

Ngayong taon, kaisa ang INVENTouring ng i-INVENT Ph sa pagsasagawa ng Regional Invention Contest and Exhibits (RICE), na unang ginanap sa Region IV-B o MIMAROPA noong Agosto 10 hanggang 12.

pic 1

photo 2

Kasama ng ACU-I team, akibong nakilahok ang mga finalists ng RICE MIMAROPA sa ginanap na INVENTouring.

Magiging daan ang patimpalak upang mas makilala ng mga kalahok ang mga programang laan ng ahensiya para sa patuloy na pagpapabuti ng kanilang mga likha. Kabilang sa kalahok ng patimpalak ay ang mga ang mag-aaral mula high school hanggang college, mga guro at mananaliksik, at iba pang Pilipinong imbentor mula sa rehiyon na umaasang makapag-uwi ng isa sa mga sumusunod na gantimpala: Sibol Award for Outstanding High School Student Creative Research, Likha Award for Outstanding Creative Research, at Unlad Award for Outstanding Utility Model.

Magpapatuloy ang partisipasyon ng i-INVENT PH sa pamamagitan ng INVENTouring sa mga susunod na serye ng RICE sa iba’t ibang rehiyon ng bansa. Sa kasalukuyan ay tumatanggap ang patimpalak ng mga kalahok mula sa Region I, III, V, at Cordillera Administrative Region (CAR).

Para sa mga imbentor ng bayan na interesadong sumali sa RICE, maaaring makipag-ugnayan sa DOST-TAPI sa pamamagitan ng pagbisita sa tapi.dost.gov.ph at sa mga opisyal na Facebook pages ng ahensya.

 

DOST-TAPI S&T Media Service
MARK ANGELO BACCAY